HUWEBES NG IKA-2 LINGGO NG PASKO NG PAGKABUHAY NG PANGINOON
MAIKLING PAGNINILAY
Unang Pagbasa — Mga Gawa 5, 27-33
Noong mga araw na iyon, ang mga apostol ay siniyasat ng pinakapunong saserdote. “Mahigpit naming ipinagbawal sa inyo ang pangangaral sa pangalan ng Hesus na iyan,” wika niya, “ngunit tingnan ninyo ang inyong ginawa! Laganap na sa Jerusalem ang inyong aral, at ibig pa ninyo kaming panagutin sa pagkamatay ng taong iyan!” Ngunit sumagot si Pedro at ang ibang mga apostol, “Ang Diyos ang dapat naming sundin, hindi ang tao. Ang Diyos ng ating mga ninuno ang muling bumuhay kay Hesus na pinatay ninyo nang inyong ipabitay sa krus. Iniakyat siya ng Diyos sa kanyang kanan bilang Tagapanguna at Tagapagligtas, upang bigyan ng pagkakataon ang mga Israelita na magsisi’t tumalikod sa kanilang mga kasalanan, at sa gayun, sila’y patawarin. Saksi kami sa mga bagay na ito – kami at ang Espiritu Santo na ipinagkaloob ng Diyos sa mga tumatalima sa kanya.” Nagngitngit sa galit ang mga bumubuo ng Sanedrin nang marinig ito, at ibig nilang ipapatay ang mga apostol.
Salmo 33: 2 at 9, 17-18, 19-20
Panginoo’y aking laging pupurihin; sa pasasalamat di ako titigil. Ang galing ng Poon hanaping masikap; yaong nagtiwala sa kanya’t naligtas ay maituturing na taong mapalad. Nililipol ng Diyos yaong masasama hanggang sa mapawi sa isip ng madla. Agad dinirinig daing ng matuwid inililigtas sila sa mga panganib. Tumutulong siya sa nasisiphayo ang walang pag-asa’y hindi binibigo. Ang taong matuwid, masuliranin man, sa tulong Poon, agad maiibsan.
Ebanghelyo — Juan 3:31-36
Noong panahong iyon: sinabi ni Hesus kay Nicodemo: “Ang mula sa itaas ay dakila sa lahat; ang mula sa lupa ay taga-lupa at nagsasalita tungkol sa mga bagay sa lupa. Ang mula sa langit ay dakila sa lahat. Pinatototohanan niya ang kanyang nakita at narinig, ngunit walang maniwala sa kanyang patotoo. Ang naniniwala sa kanyang patotoo ay nagpapatunay na tapat ang Diyos. Sapagkat ang sinugo ng Diyos ay nagpapahayag ng mga salita ng Diyos; at walang sukat ang kanyang pagkakaloob ng Espiritu Santo. Minamahal ng Ama ang Anak, at ibinigay sa kanya ang kapamahalaan ng lahat ng bagay. Ang nananalig sa Anak ay may buhay na walang hanggan; ngunit ang hindi tumatalima sa Anak, hindi nagkakaroon ng buhay – mananatili sa kanya ang poot ng Diyos.”
Comments