MAIKLING PAGNINILAY
Unang Pagbasa —1 Pedro 5:5b-14
Mga pinakamamahal, magpakababa kayong lahat at maglingkod sa isa’t-isa, ayon sa nasusulat. “Kinamumuhian ng Diyos ang palalo, at kinalulugdan niya ang mababang-loob.” Kaya nga, pasakop kayo sa kapangyarihan ng Diyos at dadakilain niya kayo pagdating ng takdang panahon. Ipagkatiwala ninyo sa kanya ang inyong kabalisahan sapagkat siya ang kumukupkop sa inyo. Humanda kayo at magbantay. Ang diyablo na kaaway ninyo ay parang leong umaatungal at aali-aligid na humahanap ng masisila. Labanan ninyo siya at magpakatatag kayo sa inyong pananalig sa Diyos. Tulad ng alam ninyo, hindi lamang kayo ang nagtitiis ng ganitong kahirapan, kundi pati ang inyong mga kapatid sa buong daigdig. Pagkatapos ninyong magtiis ng maikling panahon, ang Diyos na bukal ng lahat ng pagpapala, ang siyang magbibigay sa inyo ng kaganapan, katatagan, at isang saligang matibay at di matitinag. Siya rin ang humirang sa inyo upang makihati kayo sa kanyang walang hanggang kaluwalhatian, kasama ni Kristo. Sa kanya ang kapangyarihan magpakailanman! Amen. Sinulatan ko kayo sa tulong ni Silvano, isa nating kapatid na lubos kong pinagtitiwalaan. Sa pamamagitan ng maikling sulat na ito ay nais kong palakasin ang inyong loob at patunayan sa inyo na ito nga ang tunay na kaloob ng Diyos. Manatili kayo sa biyayang ito. Kinukumusta kayo ng mga kapatid na nasa Babilonia, mga hirang na paris ninyo; kinukumusta rin kayo ni Marcos, ang mahal kong anak sa pananampalataya. Buong giliw kayong magbatian bilang magkakapatid kay Kristo. Ang kapayapaan ay sumainyong lahat, mga tagasunod ni Kristo. Salmo 88:2-3, 6-7, 16-17
Pag-ibig mo, Poon, na di magmamaliw ang sa tuwi-t’wina’y aking aawitin; ang katapatan mo’y laging sasambitin, yaong pag-ibig mo’y walang katapusan, sintatag ng langit ang ‘yong katapatan. Umawit silang nilikha sa langit, ang iyong ginawa’y siyang dinadalit ang katapatan mo, Poon, ay inaawit. Sino’ng kaparis mo doon sa itaas? walang ibang diyos na iyong katulad. Mapalad ang taong sa ‘yo’y sumasamba, sa pagsamba nila’y inaawitan ka at sa pag-ibig mo’y namumuhay sila. Sa buong maghapon, ika’y pinupuri, ang katarungan mo’y siyang sinasabi.
Ebanghelyo — Marcos 16:15-20
Noong panahong iyon, nagpakita si Hesus sa Labing-isa at sinabi sa kanila, “Humayo kayo sa buong sanlibutan at ipangaral ninyo sa lahat ang Mabuting Balita. Ang sumasampalataya at mabinyagan ay maliligtas, ngunit ang hindi sumampalataya ay parurusahan. Ang mga sumasampalataya ay magtataglay ng ganitong tanda ng kapangyarihan: sa pangalan ko’y magpapalayas sila ng mga demonyo at magsasalita ng ibang wika; sila’y hindi maaano dumampot man ng ahas o uminom ng lason; at gagaling ang mga maysakit na mapatungan ng kanilang kamay.” Pagkatapos magsalita sa kanila, ang Panginoong Hesus ay iniakyat sa langit at lumuklok sa kanan ng Diyos. Humayo nga ang mga alagad at nangaral sa lahat ng dako. Tinulungan sila ng Panginoon sa gawaing ito. Pinatotohanan niya ang Salitang kanilang ipinangangaral sa pamamagitan ng kapangyarihang gumawa ng himala, na ipinagkaloob niya sa kanila.
Bình luận