MAIKLING PAGNINILAY
Ebanghelyo — Juan 6, 22-29
Kinabukasan, nakita ng mga taong naiwan sa dalampasigan na iisa lamang ang bangkang naroon. Nalaman nilang si Jesus ay hindi kasama ng mga alagad nang ang mga ito'y sumakay sa bangka dahil ang mga ito lamang ang umalis. Dumating naman ang ilang bangkang galing sa Tiberias at dumaong sa lugar na malapit sa kinainan nila ng tinapay matapos magpasalamat ang Panginoon. Kaya't nang makita nilang wala roon si Jesus at ang kanyang mga alagad, sila'y sumakay sa mga bangka at pumunta sa Capernaum upang hanapin si Jesus. Nang makita nila si Jesus sa ibayo ng lawa, siya'y tinanong nila, “Guro, kailan pa kayo rito?” Sumagot si Jesus, “Totoo ang sinasabi kong ito: hinahanap ninyo ako, hindi dahil sa mga himalang nakita ninyo, kundi dahil nakakain kayo ng tinapay at nabusog. Huwag ang pagkaing nasisira ang inyong pagsikapang kamtan, kundi ang pagkaing hindi nasisira na nagbibigay ng buhay na walang hanggan. Iyan ang ibibigay sa inyo ng Anak ng Tao, sapagkat ipinapakita ng Diyos Ama na siya ang may ganitong karapatan.” Kaya't siya'y tinanong nila, “Ano po ang dapat naming gawin upang aming matupad ang ipinapagawa ng Diyos?” “Ito ang ipinapagawa sa inyo ng Diyos, sumampalataya kayo sa sinugo niya,” tugon ni Jesus.
Unang Pagbasa — Mga Gawa 6:8-15
Noong mga araw na iyon, pinagpala ng Diyos si Esteban at pinupos ng kapangyarihan, anupat gumawa siya ng maraming himala at kababalaghan sa harapan ng madla. Nakipagtalo sa kanya ang ilang kasapi sa sinagoga ng mga Pinalaya, na binubuo ng mga Judiong taga-Cirene, taga-Alejandria, taga-Cilicia, at taga-Asia. Ngunit wala silang magawa sa karunungan ni Esteban na kaloob ng Espiritu. Kaya’t lihim nilang sinulsulan ang ilang lalaki na magsabi ng ganito: “Narinig naming nilalait niya si Moises at ang Diyos.” Sa gayo’y naudyukan nilang magalit kay Esteban ang mga tao, ang matatanda ng bayan at ang mga eskriba. Siya’y sinunggaban nila at iniharap sa Sanedrin. At nagharap sila ng mga bulaang saksi laban kay Esteban. “Ang taong ito,” wika nila, “ay walang tigil ng pagsasalita laban sa banal na Templo at sa Kautusan ni Moises. Narinig naming sinasabi niya na ang Templo’y gigibain nitong Hesus na taga-Nazaret na ito, at papalitan ang mga kaugaliang ipinamana sa atin ni Moises.” Tinitigan si Esteban ng lahat ng nakaupo sa Sanedrin, at nakita nila na ang kanyang mukha’y parang mukha ng anghel. Salmo 118:23-24, 26-27, 29-30
Kahit ako ay usigi’t labanan ng pamunuan, itong iyong abang lingkod sa utos mo’y mag-aaral. Ang buo mong kautusan sa akin ay umaaliw, siyang gurong nagpapayo sa lahat kong suliranin. Pinatawad mo ang aking mga gawang kamalian, ituro mo sa lingkod mo ang tuntunin mo at aral. Ang lingkod ay turuang masunod ang kautusan, sa utos mong mapang-akit, ako nama’y mag-aaral. Sa landas na di matuwid, huwag mo akong babayaan, pagkat ikaw ang mabuti, ituro ang iyong aral. Ang pasiya ko sa sarili, ako’y maging masunurin, sa batas mo, ang pansin ko ay doon ko ibabaling.
Comments