MAIKLING PAGNINILAY
Ebanghelyo — Juan 12:44-50
Noong panahong iyon, malakas na sinabi ni Hesus, “Ang nananalig sa akin ay hindi lamang sa akin nananalig, kundi pati sa nagsugo sa akin. At ang nakakita sa akin ay nakakita sa kanya. Ako’y naparito bilang ilaw ng sanlibutan, upang hindi manatili sa kadiliman ang nananalig sa akin. Kung mapakinggan ninuman ang aking mga salita ngunit hindi niya tuparin ito, hindi ko siya hahatulan. Sapagkat naparito ako hindi upang hatulan ang sanlibutan kundi upang iligtas ito. May hahatol sa sinumang magtakwil sa akin at hindi tumanggap sa aking mga salita; ang salitang ipinahayag ko ang hahatol sa kanya sa huling araw. Sapagkat hindi ako nagsalita sa ganang sarili ko lamang, kundi ang Amang nagsugo sa akin ang siyang nag-utos kung ano ang aking sasabihin at ipahahayag. At alam kong ang kanyang utos ay nagbibigay ng buhay na walang hanggan. Kaya’t ang ipinasasabi ng Ama ang siya kong sinasabi.”
Unang Pagbasa — Mga Gawa 12:24 – 13:5a
Noong mga araw na iyon, lumalago at lumalaganap ang salita ng Diyos. Sina Bernabe at Saulo ay bumalik buhat sa Jerusalem nang maganap na nila ang kanilang tungkulin, at isinama si Juan na tinatawag ding Marcos. May mga propeta at mga guro sa simbahan sa Antioquia. Kabilang dito sina Bernabe, Simeon na tinaguriang Negro, Lucio na taga-Cirene, Saulo at Manaen, kababata ng tetrarkang si Herodes. Samantalang sila’y nag-aayuno at sumasamba sa Panginoon, sinabi sa kanila ng Espiritu Santo, “Ibukod ninyo sina Bernabe at Saulo. Sila’y hinirang ko para sa tanging gawaing inilaan ko sa kanila.” Pagkatapos nilang mag-ayuno at manalangin, ipinatong nila sa dalawa ang kanilang mga kamay at sila’y pinayaon. Kaya’t bumaba sa Seleucia sina Bernabe at Saulo, na sinugo ng Espiritu Santo, at buhat doo’y naglayag patungong Chipre. Nang dumating sila sa Salamina, ipinahayag nila ang Salita ng Diyos sa mga sinagoga ng mga Judio roon. Kasama nila si Juan Marcos bilang katulong.
Salmo 66, 2-3. 5. 6 at 8
O Diyos, pagpalain kami’t kahabagan, kami Panginoo’y iyong kaawaan, upang sa daigdig mabatid ng lahat ang iyong kalooban at ang pagliligtas. Nawa’y purihin ka ng mga nilikha, pagkat matuwid kang humatol sa madla; ikaw ang patnubay ng lahat ng bansa. Purihin ka nawa ng lahat ng tao, purihin ka nila sa lahat ng dako. Ang lahat sa ami’y iyong pinagpala, nawa’y igalang ka ng lahat ng bansa.
Kommentare