top of page
Search
lipabible

MAAKIT, MAKINIG, MATUTO, LUMAPIT

MAIKLING PAGNINILAY



Ebanghelyo — Juan 6:44-51

Noong mga panahong iyon, sinabi ni Hesus sa mga tao, “Walang makalalapit sa akin malibang dalhin siya ng Amang nagsugo sa akin. At ang lalapit sa akin ay muli kong bubuhayin sa huling araw. Nasusulat sa aklat ng mga propeta, ‘At silang lahat ay tuturuan ng Diyos.’ Ang bawat nakikinig sa Ama at natututo ay lalapit sa akin. Hindi ito nangangahulugang may nakakita na sa Ama; yaong nagmula sa Diyos ang tanging nakakita sa Ama. “Sinasabi ko sa inyo: ang nananalig sa akin ay may buhay na walang hanggan. Ako ang pagkaing nagbibigay-buhay. Kumain ng manna ang inyong mga ninuno nang sila’y nasa ilang, gayunman’y namatay sila. Ngunit ang sinumang kumain ng pagkaing bumaba mula sa langit ay hindi mamamatay. Ako ang pagkaing nagbibigay-buhay na bumaba mula sa langit. Mabubuhay magpakailanman ang sinumang kumain nito. At ang pagkaing ibibigay ko sa ikabubuhay ng sanlibutan ay ang aking laman.”

Unang Pagbasa — Mga Gawa 8:26-40

Noong mga araw na iyon, si Felipe ay inutusan ng isang anghel ng Panginoon, “Pumunta ka agad sa timog sa daang patungong Gaza, mula sa Jerusalem.” Ito’y ilang. Kaya’t naparoon si Felipe. Sa darating naman ang isang Etiopeng eunuko. Siya ang tagapamahala sa lahat ng kayamanan ng Candace o reyna ng Etiopia. Nagpunta siya sa Jerusalem at sumamba sa Diyos. Siya’y pauwi na noon, nakasakay sa kanyang karwahe at nagbabasa ng aklat ni Propeta Isaias. “Sabayan mo ang sasakyang iyon,” sabi ng Espiritu kay Felipe. Patakbong lumapit si Felipe, at narinig niyang binabasa ng eunuko ang aklat ni Propeta Isaias. Kaya’t tinanong niya ang eunuko, “Nauunawaan po ba ninyo ang inyong binabasa?” “Paano kong mauunawaan ito kung walang magpapaliwanag sa akin?” sagot nito. At si Felipe’y inanyayahan niyang sumakay sa karwahe at umupo sa tabi niya. Ito ang bahagi ng kasulatang binabasa niya: “Kung paanong walang imik ang tupa na dinadala sa patayan, o ang kordero sa harapan ng manggugupit, gayun din naman, hindi siya nagbuka ng kanyang bibig. Siya’y hinamak at pinagkaitan ng katarungan. Walang maitatala tungkol sa kanyang mga inapo sapagkat kinitil dito sa lupa ang kanyang buhay.” “Sabihin mo nga sa akin,” wika ng eunuko kay Felipe, “sino ba ang tinutukoy dito ng propeta? Sarili ba niya o iba?” Buhat sa kasulatang ito’y isinalaysay ni Felipe ang Mabuting Balita tungkol kay Hesus. Nagpatuloy sila sa paglalakbay, at dumating sa isang lugar na may tubig. “May tubig dito!” sabi ng eunuko. “Ako ba’y hindi pa maaaring binyagan?” Sinabi sa kanya ni Felipe, “Maaari, kung sumasampalataya ka nang buong puso.” Sumagot siya, “Sumasampalataya ako na si Hesukristo ang Anak ng Diyos.” Pinatigil ng eunuko ang karwahe; lumusong silang dalawa sa tubig at bininyagan siya ni Felipe. Pagkaahon nila sa tubig, si Felipe’y kinuha ng Espiritu ng Panginoon. Hindi na siya nakita ng eunuko na nagpatuloy naman sa kanyang paglalakbay na tuwang-tuwa. Namalayan na lamang ni Felipe na siya’y nasa Azoto. Mula roon, ipinangaral niya ang Mabuting Balita tungkol kay Hesus sa lahat ng bayang dinaraanan niya hanggang sa marating ang Cesarea.


Salmo 65:8-9, 16-17, 20

Ang lahat ng bansa’y magpuri sa Diyos, inyong iparinig papuring malugod. Iningatan niya tayong pawang buhay, di tayo bumagsak, di n’ya binayaan! Lapit at makinig, ang nagpaparangal sa Diyos, at sa inyo’y aking isasaysay ang kanyang ginawang mga kabutihan. No’ng ako’y balisa, ako ay dumaing, dumaing sa Diyos na dapat purihin; handa kong purihin ng mga awitin. Purihin ang Diyos! Siya’y papurihan, yamang ang daing ko’y kanyang pinakinggan, at ang pag-ibig n’ya ay aking kinamtan.

3 views0 comments

Recent Posts

See All

Comments


bottom of page