top of page
Search
lipabible

MAPALAD (Blessed)



Sa salitang Griyego ay makarios. Isang adjective na ang ibig sabihin ay “masuwerte”, “pinagpala”, “masaya”, o “pinaboran”. Ginamit ito ni San Mateo ng 13 beses and nasa sa iba pang bahagi ng Bagong Tipan ng 37 beses. Ang makarios ay hindi ginagamit sa paghingi ng biyaya mula sa Diyos kundi bilang deklarasyon na ang isang tao ay tumanggap ng biyaya o pagpapala mula sa Diyos (Mt 16:17; Rom 4:7) o maaaring umasang tatanggap ng kanyang pagpapala sa kinabukasan (Sant 1:12; Pah 14:13, 22:14). Ang kaibahang ito ay mula sa Matandang Tipan, kung saan binabati ng wisdom beatitudes (ibig sabihin, mga pagpapala ayon sa mga aklat ng Matandang Tipan na classified as wisdom or sapiential literature — tulad ng ang mga aklat ni Job, mga Awit, mga Kawikaan, ang Mangangaral, ang Awit ni Solomon, ang Karunungan ni Solomon at Sirach, at iba pang bahagi) — iyong mga nagtatamasa ng pagpapala ng Diyos at kanais-nais na kalagayan sa kasalukuyan (Job 5:17; Kaw 3:13; Sir 25:8-9) at nangangako ang eschatological* beatitudes (*eschatology ay ang bahagi ng teolohiya na may kinalaman sa kamatayan, paghuhukom, at kapalaran ng kaluluwa at ng sangkatauhan sa katapusan) ng mga gantimpala at aliw ng Diyos sa kinabukasan (Awit 1:1-6; Isa 30:18; Dan 12:12). Ang pagpapala sa pangangaral ng Panginoong Jesus sa bundok sa Mateo 5:3-10 (Sermon on the Mount) ay eschatological beatitudes sapagkat inihahayag nila na ang pagpapala ng Bagong Tipan ay ganap na magaganap sa kalangitan. Ang ilan sa mga pagpapala sa Mateo 5:3-10 ay naglalaman ng pangakong pagpapala na sa isang parte ay matatamasa sa buhay dito sa mundo, subalit lahat sila’y nakatingin lagpas sa mga pakikibaka at paghihirap ng buhay sa mundong ito at nakatuon sa walang-hanggang pagpapala sa buhay sa kabila.

12 views0 comments

Recent Posts

See All

Comments


bottom of page