MIYERKULES NG IKA-2 LINGGO NG PAGKABUHAY NG PANGINOON
MAIKLING PAGNINILAY
Unang Pagbasa -- Mga Gawa 5:17-26
Noong mga araw na iyon, inggit na inggit ang pinakapunong saserdote at ang mga kasamahan niya na kaanib na sekta ng mga Saduseo, kaya’t kumilos sila. Dinakip nila ang mga apostol at ibinilanggo. Ngunit kinagabiha’y binuksan ng anghel ng Panginoon ang bilangguan at inilabas ang mga apostol. Sinabi nito sa kanila, “Pumaroon kayo sa templo at mangaral tungkol sa bagong pamumuhay na ito.”
Sumunod naman ang mga apostol, kaya’t nang magbubukang-liwayway, pumasok sila sa templo at nagturo.
Nang dumating ang pinakapunong saserdote at ang mga kasama niya, tinawag nila ang lahat ng matatanda ng Israel sa pulong ng buong Sanhedrin. Ipinakuha nila sa bilangguan ang mga apostol. Ngunit pagdating doon ng mga bantay, wala na ang mga iyon. Kaya’t nagbalik sila sa Sanhedrin at ganito ang ulat: “Nakita po namin na nakasusing mabuti ang bilangguan at nakatayo ang mga bantay. Ngunit nang buksan namin, wala kaming nakitang tao sa loob!” Nabahala ang mga punong saserdote at ang kapitan ng mga bantay sa templo nang marinig ito, at di nila maubos-maisip kung ano ang nangyari sa mga apostol. Ngunit may dumating at nagbalita sa kanila, “Ang mga lalaking ikinulong ninyo ay naroon sa templo’t nagtuturo sa mga tao.” Kaya’t ang kapitan ay pumunta sa templo, kasama ang kanyang mga tauhan. Isinama nila ang mga apostol, ngunit hindi gumagamit ng dahas dahil sa pangambang sila’y batuhin ng mga tao.
Salmo 33:2-9
Panginoo’y aking laging pupurihin;
sa pasasalamat di ako titigil.
Aking pupurihin kanyang mga gawa,
kayong naaapi, makinig, matuwa!
Ang pagkadakila niya ay ihayag
at ang ngalan niya’y purihin ng lahat!
Ang aking dalangi’y dininig ng Diyos,
nawala sa akin ang lahat kong takot.
Nagalak ang aping umasa sa kanya,
pagkat di nabigo ang pag-asa nila.
Tumatawag sa Diyos ang walang pag-asa,
Sila’y iniligtas sa hirap at dusa.
Anghel yaong bantay sa may takot sa Diyos,
sa mga panganib, sila’y kinukupkop.
Ang galing ng Poon hanaping masikap;
yaong nagtiwala sa kanya’y nagligtas
ay maituturing na taong mapalad.
Ebanghelyo -- Juan 3:16-21
Gayun na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan, kaya ibinigay niya ang kanyang bugtong na Anak, upang ang sumampalataya sa kanya ay hindi mapahamak, kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan. Sapagkat sinugo ng Diyos ang kanyang Anak, hindi upang hatulang maparusahan ang sanlibutan, kundi upang iligtas ito sa pamamagitan niya. Hindi hinahatulang maparusahan ang nananampalataya sa bugtong na Anak ng Diyos; ngunit hinatulan nang parusahan ang hindi nananampalataya sa kanya. Hinatulan sila sapagkat naparito sa sanlibutan ang ilaw, ngunit inibig pa ng mga tao ang dilim kaysa liwanag, sapagkat masama ang kanilang mga gawa. Ang gumagawa ng masama ay ayaw sa ilaw, at hindi lumalapit dito upang hindi mahayag ang kanyang mga gawa. Ngunit ang namumuhay sa katotohanan ay lumalapit sa ilaw; sa gayun, nahahayag na ang kanyang mga ginagawa’y pagsunod sa Diyos.
Comments