top of page
Search
lipabible

PAG-IBIG NG PASTOL

MAIKLING PAGNINILAY


Ebanghelyo — Juan 10, 11-18


Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus: “Ako ang mabuting pastol. Iniaalay ng mabuting pastol ang kanyang buhay para sa mga tupa. Ang upahan ay tumatakas, kapag nakikitang dumarating ang asong-gubat. Iniiwan niya ang mga tupa, palibhasa’y hindi siya pastol at hindi kanya ang mga tupa. Kaya’t sinisila ng asong-gubat ang mga ito, at pinangangalat. Tumatakas siya palibhasa’y upahan lamang at walang malasakit sa mga tupa. Ako ang mabuting pastol. Kung paanong nakikilala ako ng Ama at siya’y nakikilala ko, gayon din naman, nakikilala ko ang aking mga tupa at ako nama’y nakikilala nila. At iniaalay ko ang aking buhay para sa mga tupa. Mayroon akong ibang tupa na wala sa kulungang ito. Kinakailangang sila’y alagaan ko rin; pakikinggan nila ang aking tinig. Sa gayo’y magiging isa ang kawan at isa ang pastol.


Unang Pagbasa — Mga Gawa 11:1-18

Noong mga araw na iyon, nabalitaan ng mga apostol at ng mga kapatid sa buong Judea na tinanggap din ng mga Hentil ang salita ng Diyos. Kaya’t nang umahon si Pedro sa Jerusalem, siya’y pinuna ng mga kapatid na Judio. “Nakituloy ka sa mga Hentil, at nakisalo sa kanila!” sabi nila. Kaya’t isinaysay sa kanila ni Pedro ang buong pangyayari, buhat sa pasimula: “Nasa lungsod ako ng Jope at nananalangin nang magkaroon ako ng pangitain. Mula sa langit ay inihugos sa kinaroroonan ko ang isang tila malaking kumot na nakabitin sa apat na panulukan. Pinagmasdan ko itong mabuti at nakita ko roon ang lahat ng uri ng hayop: lumalakad at gumagapang sa lupa, pati maiilap, at mga lumilipad sa himpapawid. At narinig ko ang isang tinig na nagsabi, ‘Tumindig ka, Pedro. Magpatay ka’t kumain!’ Subalit sinabi ko, ‘Hinding-hindi ko po magagawa iyon, Panginoon. Hindi ako kumakain ng anumang bagay na itinuturing na marumi o di karapat-dapat.’ Muli kong narinig ang tinig mula sa langit, ‘Huwag mong ituring na marumi ang mga nilinis ng Diyos!’ Tatlong ulit na nangyari ito at pagkatapos ay binatak na pataas sa langit ang bagay na iyon. Nang sandali ring iyon, dumating sa bahay na tinutuluyan ko ang tatlong lalaking sinugo sa akin buhat sa Cesarea. Sinabi sa akin ng Espiritu na huwag akong mag-atubiling sumama sa kanila. Sumama rin sa akin ang anim na kapatid na ito at pumasok kami sa bahay ni Cornelio. Isinalaysay niya sa amin na nakakita siya ng isang anghel na nakatayo sa loob ng kanyang bahay, at sinabi sa kanya, ‘Magpasugo ka sa Jope at ipasundo mo si Simon na tinatawag ding Pedro. Sasabihin niya sa iyo ang tungkol sa ikaliligtas mo at ng iyong sambahayan.’ Nagsisimula pa lamang akong magsalita ay bumaba na sa kanila ang Espiritu Santo gaya ng pagkababa nito sa atin noong una. At naalaala ko ang sinabi ng Panginoon, ‘Si Juan ay nagbibinyag sa tubig, ngunit bibinyagan kayo sa Espiritu Santo.’ Kung binigyan sila ng Diyos ng kaloob na tulad ng ibinigay niya sa atin nang manalig tayo sa Panginoong Hesukristo, sino akong hahadlang sa Diyos?” Nang marinig nila ito, tumigil na sila ng pagpuna, at sa halip ay nagpuri sa Diyos. “Kung gayun,” sabi nila, “ang mga Hentil ma’y binigyan din ng pagkakataong magsisi’t magbagong-buhay upang maligtas!”

Salmo 41: 2, 3; Salmo 42:3, 4

Kung paanong yaong batis ang hanap ng isang usa; gayun hinahanap ang Diyos ng uhaw kong kaluluwa. Nananabik ako sa Diyos, Diyos na buhay, walang iba; kailan kaya maaaring sa harap mo ay sumamba? Ang totoo’t ang liwanag, buhat sa ‘yo ay pakamtan, upang sa Sion ay mabalik, sa bundok mong dakong banal sa bundok mong pinagpala, at sa templo mong tirahan. Sa dambana mo, O Diyos, ako naman dudulog, yamang galak at ligaya ang sa aki’y iyong dulot; sa saliw ng aking alpa’y magpupuri akong lubos buong lugod na aawit ako sa Diyos, na aking Diyos!

17 views0 comments

Recent Posts

See All

Comments


bottom of page