MAIKLING PAGNINILAY
Ebanghelyo — Juan 15, 18-21
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: “Kung napopoot sa inyo ang sanlibutan, dapat ninyong malamang napoot na ito sa akin bago sa inyo. Kung kayo nga’y sa sanlibutan, iibigin kayo nito bilang kanya. Ngunit yamang hindi kayo sa sanlibutan, kundi pinili ko kayo mula rito, ito’y napopoot sa inyo. Alalahanin ninyo ang sinabi ko sa inyo: walang aliping higit kaysa kanyang panginoon. Kung ako’y inusig nila, uusigin din nila kayo; kung tinupad nila ang aking salita, tutuparin din nila ang salita ninyo. Ngunit ang lahat ng ito’y gagawin nila sa inyo dahil sa akin, sapagkat hindi nila nakikilala ang nagsugo sa akin.”
Unang Pagbasa — Mga Gawa 16, 1-10
Noong mga araw na iyon, nagpunta si Pablo sa Derbe at Listra. At may isang alagad doon na ang pangala’y Timoteo, anak ng isang mananampalatayang Judia, at ng isang Griego. Pinatunayan ng mga kapatid sa Listra at sa Iconio na mabuting tao si Timoteo. Ibig isama ni Pablo si Timoteo, kaya’t tinuli niya ito sapagkat alam ng lahat ng Judio sa lungsod na iyon na Griego ang kanyang ama. Sa bawat lungsod na kanilang dinalaw ay ipinaalam nila sa mga kapatid ang pasiya ng mga apostol at matatanda sa Jerusalem, at iniutos na sundin iyon. Kaya’t tumibay sa pananampalataya ang mga kaanib ng bawat simbahan at dumarami ang bilang ng mga alagad araw-araw. Naglakbay sina Pablo sa lupain ng Frigia at Galacia, sapagkat sinansala sila ng Espiritu Santo na mangaral sa Asia. Pagdating sa hangganan ng Misia, ibig sana nilang pumasok sa Bitinia, subalit hindi sila pinahintulutan ng Espiritu ni Hesus. Kaya’t bumagtas sila ng Misia at nagtungo sa Troas. Kinagabihan, nagkaroon si Pablo ng isang pangitain: may isang lalaking taga-Macedonia, nakatayo at namamanhik sa kanya, “Tumawid po kayo rito sa Macedonia at tulungan ninyo kami.” Pagkatapos ng pangitaing ito, gumayak kami agad sapagkat natanto naming kami’y tinatawag ng Diyos upang ipangaral sa Macedonia ang Mabuting Balita. Salmo 99:2, 3, 5
Umawit sa kagalakan ang lahat ng mga bansa! Panginoo’y papurihan, paglingkuran siyang kusa; lumapit sa harap niya at umawit na may tuwa! Ang Panginoo’y ating Diyos! Ito’y dapat malaman, tayo’y kanya, kanyang lahat, tayong lahat na nilalang; lahat tayo’y bayan niya, kabilang sa kanyang kawan. Mabuti ang Panginoon, pag-ibig niya’y walang hanggan, Siya’y Diyos na mabuti’t laging tapat kailanman.
Comments