MARTES NG IKA-2 LINGGO NG PASKO NG PAGKABUHAY NG PANGINOON
MAIKLING PAGNINILAY
Unang Pagbasa -- Mga Gawa 4:32-37
Nagkaisa ang damdami’t isipan ng lahat ng sumasampalataya at di itinuring ninuman na sarili niya ang kanyang mga ari-arian, kundi para sa lahat. Ang mga apostol ay patuloy na gumagawa ng kababalaghan ng nagpapatotoo sa muling pagkabuhay ng Panginoong Hesus. At ibinuhos ng Diyos ang kanyang pagpapala sa kanilang lahat. Walang nagdarahop sa kanila, sapagkat ipinagbibili nila ang kanilang lupa o bahay, at ang pinagbilhan ay ibinibigay sa mga apostol. Ipinamamahagi naman ito ayon sa pangangailangan ng bawat isa.
Gayun ang ginawa ni Jose, isang Levitang taga-Chipre, kaya’t Bernabe ang itinaguri sa kanya ng mga apostol, ibig sabihi’y “Matulungin.” Ipinagbili niya ang kanyang bukid at ibinigay sa mga apostol ang pinagbilhan.
Salmo 93:1ab, 1cd-2, 5
Panginoo’y naghahari, na ang suot sa katawan
ay damit na maharlika at batbat ng kalakasan.
Ang sandigan ng daigdig, matatag ang pinatungan
kahit ano ang gawin pa’y hindi ito magagalaw.
Ang trono mo ay matatag simula pa noong una.
Bago pa ang ano pa man, likas ika’y naroon na.
Walang hanggan, Panginoon, ang lahat ng tuntunin mo,
sadyang banal at matatag ang sambahang iyong templo.
Ebanghelyo -- Juan 3:7b-15
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus kay Nicodemo: “Huwag kayong magtaka sa sinabi ko sa inyo, ‘Lahat ay kailangang ipanganak na muli.’ Umiihip ang hangin kung saan ibig at naririnig ninyo ang ugong nito, ngunit hindi ninyo alam kung saan nanggagaling at kung saan naparoroon. Gayun din ang bawat ipinanganak sa Espiritu.” “Paano pong mangyayari ito?” tanong ni Nicodemo. Sumagot si Hesus, “Guro pa naman kayo sa Israel ay hindi ninyo nauunawaan ang mga bagay na ito? Tandaan ninyo: ang aming nalalaman ang sinasabi namin, at ang aming nasaksihan ang pinatototohanan namin, ngunit hindi ninyo tinatanggap ang aming patotoo. Kung hindi ninyo pinaniniwalaan ang sinasabi ko tungkol sa mga bagay sa sanlibutang ito, paano ninyo paniniwalaan kung ang sabihin ko’y tungkol sa mga bagay sa langit? Walang umakyat sa langit kundi ang bumaba mula sa langit – ang Anak ng Tao.
(“At kung paanong itinaas ni Moises ang ahas doon sa ilang, gayun din namin kailangang itaas ang Anak ng Tao, upang ang sinumang sumampalataya sa kanya ay magkaroon ng buhay na walang hanggan.”
Comments